Pamana sa Ulap: Awit ng Pugad sa Aking Gazebo
By:Atty. Arnedo S. Valera
Sa ibabaw ng bahay, sa aking munting silungan,
Gazebo’y tahimik—tila dambanang may kasaysayan.
Doon ko natagpuan, sa sanga ng tanim na ligaw,
Isang pugad—gawang-arkitektura ng inang marunong magmahal.
Dalawang munting ibon, bagong silang, mata’y nagtatanong,
Tahimik na nakahimlay sa himbing ng paglingap at layon.
Sa lente ng aking kamera, sila'y nakatitig, walang takot,
Parang pusong batid na sila’y ligtas—yakap ng tahanang kay ganda.
Naalala ko ang buhay, sa kanyang payak na pag-ikot,
Na sa bawat nilalang, may simula, may paglaki, may paglipad.
Darating ang araw, silang sanggol ay kakampay sa himpapawid,
Matututo ng awit ng mundo—ng pag-ibig, pakpak, at panaginip.
Sila’y larawan ng kabutihan, ng plano ng Diyos na dakila,
Na ang bawat pugad ay simula ng pangarap at dakilang gawa.
Sa pugad na iyon, ako’y naging bata muli—puno ng pag-asa,
Na ang buhay ay biyaya, at ang paglikha Niya’y isang himala.
Sa katahimikan ng sandali, ako’y lumipad sa guniguni,
Sa ulap, sa bituin, sa mga lihim ng kalawakan at sansinukob.
Diyos ko, salamat sa regalong ito—ang buhay, ang likha, ang liwanag,
Sa pugad ng mga ibon, natagpuan ko ang sagot: pag-ibig ang simula’t wakas.
—Arnedo Valera
Comments
Post a Comment