KOMENTARYO  PARA SA MEDIA: PAGPAPABALIK NG ARTICLES OF IMPEACHMENT SA KAMARA – ISANG KONSTITUSYONAL NA HAKBANG

 

By : Atty. Arnedo S. Valera

Ang desisyong ipinasa ng Senado—sa pamamagitan ng 18-5 na boto—na ibalik sa House of Representatives ang Articles of Impeachment laban kay Pangalawang Pangulo Sara Duterte ay isang legal at makatarungang hakbang na may matibay na saligang konstitusyonal.

Una, malinaw sa Saligang Batas ng 1987 (Art. XI, Sec. 3) na ang Kamara ay may eksklusibong kapangyarihan sa paghahain ng Articles of Impeachment, ngunit hindi ito nangangahulugang absolute o hindi pwedeng tanungin. Sa landmark case na Francisco v. House of Representatives (G.R. No. 160261, 2003), ipinahayag ng Korte Suprema na ang impeachment ay maaaring sumailalim sa judicial review kung may grave abuse of discretion.

Ibig sabihin, kung ang naging desisyon ng Kamara ay ginawa sa paraang taliwas sa konstitusyonal na proseso—gaya ng hindi pagbibigay ng due process, pagkakaroon ng bias, o pagmamadali ng deliberasyon—maaaring ito ay kuwestyunin. At kung ito nga ay napatunayang labag sa proseso, saklaw ba o hindi saklaw ng one-year bar rule.

Pangalawa, sa kasong Gutierrez v. Committee on Justice (G.R. No. 193459, 2011), ipinunto rin ng Korte Suprema na ang integridad ng impeachment process ay nakasalalay sa pagsunod sa tamang panuntunan. Hindi maaaring pagtakpan ng technicalities ang kakulangan ng due process o deliberasyon.

Pangatlo, mahalagang isaalang-alang na ang Senado ay hindi basta-basta nakikialam sa trabaho ng Kamara. Ang Senado, bilang kapwa co-equal branch ng gobyerno, ay may obligasyon ring tiyakin na ang proseso ng impeachment ay naaayon sa Konstitusyon at hindi nagiging kasangkapan ng kapritso o pulitika. Hindi ito paglabag sa separation of powers—ito ay aktuwal na pag-iral ng checks and balances.

Ang Senate’s motion, na inakda ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa at inamyendahan ni Sen. Alan Peter Cayetano, ay nagtatanong lamang ng dalawang bagay:

  1. Nilabag ba ng Kamara ang one-year ban rule sa  impeachment complaint at dapat ibasura ang impeachment complaint?

  2. Handa ba ang 20th Congress na ituloy ang impeachment kung may sapat na basehan?

Ito ay mga makatarungan at lehitimong tanong na nararapat lamang sagutin ng Kamara bilang responsableng sangay ng pamahalaan.

Kung susuriin sa konteksto ng Estados Unidos, sa kasong Nixon v. United States (506 U.S. 224 [1993]), binigyang diin ng Korte Suprema ng U.S. na ang Senado ay may eksklusibong kapangyarihang maglitis ng impeachment at gumawa ng kaukulang panuntunan. Kaya't ang paghingi ng paglilinaw o pagbabalik ng Articles sa Kamara ay hindi kakaiba o labag—ito ay bahagi ng sistemang naglalayong tiyakin ang katarungan.

Sa huli, ang usapin dito ay hindi lamang legalidad—ito ay usapin ng pananagutan (accountability), tiwala ng bayan, at integridad ng ating mga institusyon. Ang pagbabalik ng Articles of Impeachment ay isang paanyaya sa House of Representatives na gampanan nang buo at wasto ang kanilang tungkulin, at huwag hayaang ang sistema ng impeachment ay mabalasubas sa aplikasyon sang-ayon sa saligang batas at umiiral na alituntunin sa impeachment. 

Kung tunay tayong naninindigan sa diwa ng Konstitusyon, marapat lamang na bigyang-daan ang isang transparent, constitutional, at fair hearing—para sa bayan, para sa batas, at para sa katotohanan. At kung kinakailangan ang agarang pagbasura ng impeachment  complaint , ito ay dapat gawin ng Kamara. 


About the Author:

Atty. Arnedo S. Valera is the executive director of the Global Migrant Heritage Foundation and managing attorney at Valera & Associates, a US immigration and anti-discrimination law firm for over 32 years. He holds a master’s degree in International Affairs and International Law and Human Rights from Columbia University and was trained at the International Institute of Human Rights in Strasbourg, France. He obtained his Bachelor of Laws from Ateneo de Manila University. He is a professor at San Beda Graduate School of Law (LLM Program), teaching International Security and Alliances. Rev. Valera is also an ordained evangelical minister, non-denominational.




Comments