MANIPESTO NG SAMBAYANANG PILIPINO Ang Wastong Panawagan: MARCOS MAGBITIW NA!

 Ni: Rev. Arnedo S. Valera, Esquire




Tama na ang panlilinlang. Hindi na maaaring manahimik ang sambayanang Pilipino habang patuloy na inuubos ng korapsyon ang dugo at yaman ng bayan. Bilyon-bilyong piso ang nilustay—mula sa proyektong pang-laban sa baha, hanggang sa mga insertions ng badyet na kinasangkutan ng mga makapangyarihan. Ang naiwang bakas ay isang bansang sugatan, gobyernong guwang, at mamamayang pinagtaksilan.

Ang pagbibitiw ni Speaker Martin Romualdez bilang pinuno ng Kamara ay hindi sapat. Isa lamang itong palabas upang takpan ang higit na mas malaking krimen. Kailangang magbitiw siya bilang Kongresista ng kanyang Distrito. Dapat agad ipako ang kanyang mga ari-arian, siyasatin ang kanyang yaman, at ipataw ang hold departure order laban sa kanya. Gayundin, ang mga Senador at Kongresistang kinasangkot sa kasuklam-suklam na sabwatan ng pandarambong ay dapat papanagutin at pilitin na isauli ang kanilang ninakaw sa kaban ng bayan.

Ito ay hindi lamang pagkukulang sa pamumuno—ito mismo ang pagbagsak ng pamahalaan. Ang tinatawag na Independent Commission of Inquiry ay huwad. Katulad ito ng Agrava Commission noong panahon ng diktadurang Marcos: paikot-ikot lamang at hinding-hindi tatama sa pinakamataas na linya ng pananagutan.

Dumating na ang oras ng paniningil. Ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas ay hindi dapat maging kasangkapan ng pagkabulok. Ang kanilang panunumpa ay para sa bayan, hindi para sa isang pamilya o iilang makapangyarihan. Kailangang isulong ang mapayapang transisyon ng kapangyarihan. Ang civil disobedience ay makatarungan, sapagkat ang pananahimik ay pakikiayon sa kasamaan.

Tinatanggihan natin ang dahas, ngunit hinding-hindi natin tatanggapin ang tiraniya. Lalaban tayo sa pamamagitan ng pagkakaisa, katapangan, at ng sama-samang tinig ng sambayanan.

At sa dakilang Diyos tayo dumudulog:

Makapangyarihang Diyos, iniaalay namin sa Iyo ang aming mahal na bayan. Iligtas Mo kami sa gapos ng korapsyon, kasinungalingan, at pagtataksil. Ipagkaloob Mo ang tapang sa mga lumalaban para sa katotohanan, karunungan sa mga pumipili ng kapayapaan, at lakas sa bawat Pilipinong tumatangging yumuko sa tiraniya. Nawa’y dumaloy ang hustisya na parang ilog hanggang maghilom ang aming lupain at maging malaya ang aming mga anak.#



Ito ang sigaw ng sambayanan: MARCOS, MAGBITIW KA NA!

Comments